International News
Mga minerong na-trap ng 39 araw sa minahan sa West Africa, natagpuan na
Natagpuan na ng mga rescuers ang apat sa walong minerong na-trap sa Percoa Zinc Mine sa bansang Burkina Faso.
Dahil sa walang tigil na pag-ulan noong Abril 17, binaha ang minahang pagmamay-ari ng Canadian company na Trevali Mining Corp at tuluyan ng hindi nakalabas ang mga minero.
Natagpuan ang wala ng buhay na katawan ng mga minero malapit sa safety room na mayroon sanang oxygen, tubig, at pagkain.
Dahil wala roon ang mga minero nang marating ng mga rescuers ang safe room, nawala na ang pinanghahawakan nilang pag-asa na buhay pa ang mga biktima.
Hindi pa nakikita ng mga kapamilya nila ang mga yumaong minero dahil agad silang dinala sa cold storage. May nakatalaga ring forensic doctor para madaling matukoy ang mga biktima.
Matapos kumpirmahin ni Burkinabe government spokesman Lionel Bilgo na nakita na ang apat sa walong minero, siniguro rin niyang magpapatuloy ang paghahanap sa apat pang nawawala.
Patuloy rin ang magkahiwalay na imbestigasyon ng Trevali at ng Burkinabè government hinggil sa insidente.