International News
MRS. WORLD BEAUTY PAGEANT SA SRI LANKA, NAGKAGULO DAHIL SA AGAWAN NG KORONA
Inalis mula sa pagkakaputong sa idineklarang Mrs. Sri Lanka World ang korona dahil umano sa paglabag nito sa alituntunin ng patimpalak.
Nitong linggo lamang ay idinaos ang koronasyon para sa Mrs. Sri Lanka World kung saan itinanghal na panalo si Pushpika De Silva. Matapos makoronahan si De Silva, nagsalita ang former Mrs. World Sri Lanka na si Caroline Jurie na hindi umano karapat-dapat sa titulo si De Silva dahil ito ay isang diborsyada.
Kumalat sa social media ang video ng pangyayari kung saan sinabi ni Jurie na, “There is a rule that you have to be married and not divorced, so I am taking my first steps, saying that the crown goes to the first runner-up.” Kasunod nito ay ang pagtanggal niya ng korona kay De Silva at ipinutong ito sa 1st-runner.
Dahil sa sapilitang pagtanggal ng korona, ibinahagi ni De Silva sa kaniyang Facebook post na nagtamo siya ng ilang pinsala sa ulo at kinailangang dalhin sa ospital.
Sumunod dito ay ang isang press conference, kung saan ipinahayag ni De Silva na, “There are a lot of single mums like me today who are suffering in Sri Lanka. This crown is dedicated to those women, those single mums who are suffering to raise their kids alone.”
Handa rin si De Silva na maghain ng legal na hakbang dahil sa naranasan niyang pang-iinsulto.
Bunsod ng mga kaganapan, inaresto na si Caroline Jurie at ang modelong si Chula Padmendra, at sinampahan ng reklamong simple hurt and criminal cause.
Kasama rin sa mga kinuwetyon ng kapulisan ang chief organizer ng Mrs. Sri Lanka pageant na si Chandimal Jayasinghe. Nakatakda namang humarap sa Colombo Magistrates Court sa darating na April 19 sina Mrs Jurie and Chula Padmendra matapos makapagpiyansa.
Samantala, muli nang kinoronahan si De Silva matapos mapatunayang hindi man sila nagsasama ng kaniyang asawa sa ngayon, siya ay hindi diborsyada. Patuoy rin umanong nagsasagawa ng sariling imbestigasyon ang mga pageant organizers at umaasa ng public apology mula kay Jurie.