International News
North Korea, inakusahan ang South Korea sa pagpapalipad ng drones sa Pyongyang
Inakusahan ng North Korea ang South Korea na nagpadala ng mga drone na may dalang propaganda sa Pyongyang at nagbanta ng “paghihiganti” ayon sa ulat ng state media nitong Biyernes.
Hindi kinumpirma ng Joint Chiefs of Staff ng South Korea ang mga paratang ngunit hinikayat nito ang North Korea na huwag kumilos nang padalos-dalos.
Sinabi ng NoKor foreign ministry na ang SoKor ay “the most hostile, malicious and rogue state, has carried out a severe political and military provocation of infiltrating drones into Pyongyang” at nagpakalat ng mga anti-North Korea leaflets” ng tatlong beses sa nakaraang linggo kaya nagbabala ito.
Sa loob ng maraming taon, nagpapadala ang mga aktibista sa South Korea at ang mga tumakas mula sa NoKor ng mga lobo na naglalaman ng mga propaganda kontra kay North Korean leader Kim Jong Un, mga USB na puno ng K-pop songs at mga palabas sa telebisyon na mahigpit na ipinagbabawal sa bansa.
Noong 2020, nagpasa ang South Korea ng batas na nagbabawal sa pagpapadala ng mga leaflets na laban sa North Korea dahil sinisikap noon ng pamahalaan na makipag-ugnayan sa Pyongyang.
Pero marami pa rin ang sumuway sa batas na ibinasura na noong nakaraang taon.
Bilang tugon dito, nagpadala ang North Korea ng higit 1,000 mga balloon sa SoKor na may lamang mga basura at iba pa. MAS