International News
Pagbaril sa ulo, pagputol ng kamay at paa, paiiralin ng Taliban sa Afghanistan
Muling paiiralin ng Taliban sa Afghanistan ang pagputol ng mga kamay at paa at pagbaril sa ulo bilang mga parusa sa mga gumagawa ng krimen.
Batay sa ministro ng piitan ngayon at isa sa mga founder ng Taliban na si Nooruddin Turabi, kailangan pairalin ang mabigat na parusa para sa seguridad ng mga mamamayan.
Kapag napatunayang nagkasala sa kasong murder, ang mga kamag-anak ng biktima ang babaril sa ulo ng murderer maliban lang kung tatanggap ang pamilya ng biktima ng blood money bilang kapalit ng paglaya ng convict.
Sa mga nagkasala naman ng robbery o mabigat na anyo ng pagnanakaw, pagputol sa kamay ang parusa habang pagputol naman sa isang kamay at isang paa ang parusa laban sa mga nagsasagawa ng highway robbery.
Sa isang panayam sinabi ni Turabi na karaniwan isinasagawa ang parusa noon sa harap ng maraming tao o sa isang stadium.
Pero aniya, hindi na kailangan isagawa sa harap ng mga mamamayan ang pagpaparusa ngayon dahil maaari na itong idaan sa video at cellphone para ibahagi sa publiko at magkaroon ng magandang epekto sa milyon-milyong mamamayan.
“Now we know instead of reaching just hundreds, we can reach millions,” saad nito.
Hindi raw maganda na ipakita ito sa publiko pero epektibo naman itong pamigil sa paggawa ng krimen, “It’s not a good thing to see these people being shamed in public, but it stops the criminals because when people see it, they think ‘I don’t want that to be me.”
Nagbabala rin ito sa ibang bansa na may balak na makialam sa sistema ng kanilang pamamahala.
“No one will tell us what our laws should be. We will follow Islam and we will make our laws on the Quran,” ani Turabi.