International News
Pilipinas pinalitan na ang China bilang nangungunang importer ng bigas sa mundo
Pinalitan na ng Pilipinas ang China bilang nangungunang importer ng bigas sa buong mundo, ayon sa ulat ng United States Department of Agriculture (USDA).
Ang Pilipinas ay mag-aangkat ng 3.8 milyong metric tons (MT) ng bigas para sa trade year 2023 hanggang 2024, ayon sa ulat ng 2023 Grain: World Markets and Trade habang ang dating top importer na China ay mag-aangkat lamang ng humigit-kumulang 3.5 MT.
Mula noong 2008, bumili ang Pilipinas ng mas malalaking volume ng bigas habang tumataas ang presyo at ngayong taon, ay hinihintay nitong bumaba ang mga presyo.
Ayon kay Department Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian, mas mababa ang aangkatin ng Pilipinas kaysa sa inaasahan ng USDA.
“Inaasahan naming mag-aangkat ng mas mababa kaysa sa 3.8 milyong MT na inaasahang pag-import ng bigas ng USDA sa 2023. Ipinahihiwatig nito na ang dami ng na-import namin noong 2022 ay higit pa kaysa sa depisit. Inaasahan din natin na sa pinaigting na pagsisikap na makapag-produce ng mas maraming bigas sa lokal, mag-aangkat tayo ng mas mababa kaysa sa inaasahang 3.8M MT sa 2024,” ani Sebastian.
Kamakailan, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang price cap sa bigas bilang sagot sa tumataas na presyo nito.