International News
PM MORRISON, KASAMA SA MGA NAGPABAKUNA SA PAGSISIMULA NG INOCULATION ROLLOUT SA AUSTRALIA
Nagpaturok si Australian Prime Minister Scott Morrison ng unang dose ng COVID-19 vaccine kahapon, Linggo, bilang pag-uumpisa ng inoculation program ng Australia, isang araw na mas maaga sa iskedyul.
Isa si Morrison at ang chief medical officer ng Australia na si Paul Kelly sa mga unang nakatanggap ng bakuna na dinebelop ng Pfizer, Inc at BioNTech.
Inaasahang aabot sa 4 milyong mga Australians ang boluntaryong magpapabakuna ng COVID-19 vaccine sa darating na Marso.
“We’re here making some very important points,” ani Morrison bago siya turukan ng bakuna.
“That it is safe, that it’s important, and we need to start with those who are most vulnerable and on the frontline,” dagdag pa niya.
Ayon sa isang opisyal, ang mga senior citizens, aged-care staff, at frontline nurses sa Castle Hill Medical Centre sa kanlurang bahagi ng Sydney ay kasama rin sa mga naunang nabakunahan kahapon.
Ang mga doses ng mga bakuna mula sa Pfizer ay nauna nang inihatid sa 16 vaccine hubs sa Australia at pinapanatiling nasa mababang temperature bilang paghahanda sa mas malawakang rollout ngayong araw.
Inaasahan naman na sa huling bahagi ng Oktubre ay mababakunahan na ng AstraZeneca vaccine ang malaking bahagi ng populasyon ng bansa.
Kahapon ang ikalawang araw na walang naitalang bagong kaso ng COVID-19 transmission, ayon pa sa mga opisyal.
Nagtala lamang ng hindi tataas sa 29,000 COVID-19 cases at 909 COVID-related death and Australia simula noong March 2020.
Kabilang ang bansa sa top 10 ng COVID-19 performance index.