International News
Programang “Keeping Families Together” ni U.S. President Biden, hinarang ng ilang estado
Pansamantalang ipinanagpaliban ng isang hukom sa Texas ang programa ni U.S. President Joe Biden na “Keeping Families Together” matapos itong harangin ng ilang U.S states. Ang programang ito ay naglalayong tulungan ang mga undocumented immigrants na may asawang U.S. citizens.
Karaniwang kinakailangang umalis mula Estados Unidos para mag-apply ng green card na nagreresulta sa mahabang panahon ng paghihiwalay sa kanilang mga pamilya. Sa ilalim ng programa ni Pres. Biden, ang mga undocumented immigrants ay maaari nang mag-apply para sa green card nang hindi na umaalis ng Estados Unidos.
Ayon sa White House, tinatayang nasa 500,000 katao ang makikinabang sa nasabing programa. Nagsimula na ring tumanggap ang federal immigration agencies ng mga aplikasyon nitong Agosto 19, subalit nagsampa ng kaso ang mga Republican attorneys general ng Texas at 15 pang estado para itigil ang programa. Dahil dito, pansamantala muna itong ng itinigil.
Saad ni Ken Paxton, Attorney General ng Texas, ang programa ay tahasang lumalabag sa mga batas na ginawa ng Kongreso.
Ang desisyon ni Judge J. Campbell Barker na itigil ang pagpapatupad ng programa ni Pres. Biden ay magtatagal ng 14 araw, pero maaari pang palawigin. Aniya, makabuluhan at kailangang isaalang-alang ang mga alegasyon ng mga estado hinggil sa programa.
Dahil sa desisyon ng hukom, hindi na mapoproseso ang aplikasyon ng mga immigrants subalit maaari pa rin silang mag-apply.
Kinondena naman ni Pangulong Biden ang hatol ni Judge Barker. “Last night, a single district court in Texas ruled that our work to keep families together has to stop. That ruling is wrong. These families should not be needlessly separated. They should be able to stay together, and my Administration will not stop fighting for them,” pahayag ng pangulo.
Ang mga estado na nagsampa ng kaso ay tinulungan ng America First Legal, ang grupo na itinatag at pinamumunuan ni Stephen Miller, isang senior adviser ni dating Pangulong Donald Trump. Para kay Miller, malaking tagumpay para sa kanila ang hatol na iginawad ni Judge Baker.