International News
TIGRE SA BRONX ZOO, TINAMAAN NG COVID-19
Nagpositibo sa coronavirus disease ang isang tigre sa Bronx Zoo sa New York City habang ang iba pa nitong kasamahang hayop na may kaparehong sintomas ay kasalukuyang minomonitor.
Sa inilabas na pahayag ng Wildlife Conservation Society (WCS) na operator ng zoo, posible umanong nahawa ang tigre sa asymptomatic na carrier ng sakit.
Ito ang unang kaso ng hayop na tinamaan ng COVID-19 sa U.S at unang kumpirmadong kaso ng tigre na positibo sa sakit sa buong mundo.
Si Nadia, 4 na taong gulang na babaeng Malayan Tiger sa Bronzx zoo ang tinamaan ng sakit. Nagpakita ito ng sintomas ng sakit katuwang ng kanyang kapatid na si Azul, dalawa pang Amur tigers at tatlong African lions pero lahat sila ay inaasahang makaka-recover ayon pa sa WCS.
Kinumpirma naman ang nasabing balita ng U.S. Department of Agriculture sa kanilang press release.
“The United States Department of Agriculture’s (USDA) National Veterinary Services Laboratories has confirmed SARS-CoV-2 (the virus that causes COVID-19 in humans) in one tiger at a zoo in New York. This is the first instance of a tiger being infected with COVID-19. Samples from this tiger were taken and tested after several lions and tigers at the zoo showed symptoms of respiratory illness,” batay sa USDA’s release.
Isinarado ang zoo kasunod ng utos na isara ang lahat ng mga non-essential business at public space ngunit marami pang zookeepers ang patuloy na pumapasok sa trabaho para alagaan ang mga hayop.