International News
TikTok ‘major security risk’ sa US, nais ipagbawal ng US senator
Isinulong ni US Senator Josh Hawley ang pagbalangkas ng batas na magbabawal sa paggamit ng social media app na TikTok sa lahat ng mga government devices dahil sa banta nito sa seguridad.
Iginiit ng mga opisyal sa FBI, Justice Department, at ng Homeland Security na maaaring gamitin ng Chinese intelligence services ang video-sharing app na ito na gawang-Tsina sa pagkalap ng mga datos sa US.
Saad ni Hawley, ang TikTok ay “major security risk for the American people.”
Ayon naman kay Clyde Wallace, isang opisyal ng FBI Cyber Division, isa ang TikTok sa mga halimbawa ng application na ginagamit ng mga average citizen na hindi alam ang implikasyon sa likod nito.
Kumukuha aniya ng personal na data mula sa user, kasama ang biometrics, contact lists, location data, at impormasyon mula sa bangko ang naturang social media app.
Mapapadali umano ang paghack at pagkuha ng impormasyon ng intelligence service ng China sa mga empleyado ng pamahalaan ng US gamit ang TikTok ayon naman sa assistant attorney general ng Justice Department na si Adam Hickey.
Una nang pinabulaan ng TikTok ang akusasyon ng US at ipinahayag na wala silang koneksyon sa otoridad ng Beijing.
Isa ang TikTok sa mga most downloaded app sa buong mundo, 26.5 million ang active users nito kada buwan at 60% dito ay mga taga United States na edad 16-24 anyos.