National News
Mahigit 300 istraktura, napinsala ng magnitude 6.9 na lindol sa Davao del Sur
Mahigit 300 istraktura ang napinsala sa magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Davao Del Sur at karatig lalawigan kahapon.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), totally damaged ang Southern Trade Shopping Center sa Padada at ang Municipal Hall ng Magsaysay.
Habang partially damaged ang Padada Municipal Station at Maria Cleta National high School sa Padada; barangay hall sa Brgy. Poblacion, Matanao; Kidapawan Municipal Station at Nadila Elem School sa Kidapawan; Municipal Hall, Sangguniang Bayan Building, at Hagonoy National High School sa Hagonoy.
Umabot naman sa 315 mga bahay ang napinsala sa Hagonoy, Davao del Sur, habang patuloy naman ang pagtanggap ng NDRRMC ng mga ulat ng mga nasirang bahay mula sa mga bayan ng Padada, Matanao, Kiblawan at Magsaysay.
Dahil pa rin sa lindol, mula sa Blue alert ay itinaas na sa Red alert ang status ng Region 11 Disaster Risk Reduction and Management Council.
Habang naka-white alert status naman ang DRRMO ng Region 12 at Bangsamoro Autunomous Region in Muslim Mindanao epektibo kahapon.
Samantala, na-activate naman na ang mga search and rescue teams sa mga lalawigan na apektado ng lindol.