National News
2025 National Budget, Tinatalakay na sa KAMARA
Opisyal nang nagsimula ang deliberasyon ng kamara para sa Php 6.352 trilyong panukalang pambansang badyet para sa taong 2025.
Kaugnay nito, nagsagawa ng briefing sa House Committee on Appropriations ngayong araw, Agosto 5, 2024, ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na binubuo nina Secretary Amenah F. Pangandaman ng Department of Budget and Management (DBM), Secretary Ralph G. Recto ng Department of Finance, Secretary Arsenio M. Balisacan ng National Economic and Development Authority, at Governor Eli M. Remolona Jr. ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Samantala, sa pambungad na talumpati ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng kamara sa pagsusuri at pagtalakay sa panukalang pambansang badyet para sa susunod na taon. Hinimok rin niya ang mga miyembro ng kamara na ipasa ang pambansang badyet para sa FY 2025 bago matapos ang sesyon sa Setyembre 2024.
Sinang-ayunan naman nina House Committee on Appropriations Chairperson Elizaldy S. Co at Senior Vice Chairperson Stella Luz A. Quimbo si House Speaker Romualdez.
Ang panukalang pambansang badyet para sa FY 2025 ay katumbas ng 22.1 porsiyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa at mas mataas ng 10.1 porsiyento kaysa sa pambansang badyet ngayong taon.