National News
24-oras na money ban checkpoint ipapatupad para labanan ang vote buying bago ang halalan


Magkakaroon ng 24-oras na money ban checkpoints sa buong bansa bago ang May 12, 2025 National and Local Elections at Bangsamoro Parliamentary Elections, ayon sa Commission on Elections (COMELEC), bilang bahagi ng hakbang laban sa vote buying.
Batay sa Section 28 ng COMELEC Resolution No. 11104, mahigpit na ipagbabawal ang pagdadala, pagbiyahe, o pag-aari ng salaping lagpas sa P500,000 o katumbas nito sa foreign currency — kung may kasamang campaign paraphernalia o anumang ebidensiyang nag-uugnay sa eleksyon.
Sakop ng hakbang na ito ang dalawang araw bago ang halalan at sa mismong araw ng botohan.
Bukod sa mga umiiral na gun ban checkpoints, ipapatupad ang money ban checkpoints upang tiyaking hindi magagamit ang pera sa mga iligal na aktibidad tulad ng vote buying o pamumulitika gamit ang pondo ng bayan.
Hindi saklaw ng money ban ang mga cashier o disbursing officer na kailangang magdala ng naturang halaga bilang bahagi ng kanilang opisyal na tungkulin.
Kailangan lamang nilang magpakita ng kaukulang dokumento o patunay ng kanilang trabaho.
Layon ng patakarang ito na mapanatili ang patas at malinis na halalan sa buong bansa. | Ulat ni Jisrel Nervar
Continue Reading