Connect with us

National News

3 MILYONG ESTUDYANTE, NAKINABANG SA SCHOOL FEEDING PROGRAM AYON SA DEPED

Published

on

Larawan mula sa projectpearls.org

Mahigit 3 milyong mga estudyante mula kindergarten hanggang Grade 6 ang nakatanggap ng pagkain at gatas sa ilalim ng school-based feeding program (SBFP) ng pamahalaan noong nakaraang taon. Ayon sa Department of Education (DepEd), ipinatupad ang nasabing programa sa kabila ng pandemic.

Humigit kumulang 3.5 milyong umanong mga mag-aaral ang nakatanggap ng masustansyang pagkain sa ilalim ng SBFP samantalang 3.1 milyon naman ang nakatanggap pa ng gatas.

Sinabi ni Education Undersecretary Alain Pascua na naglaan ng PhP 5.97 bilyon ang gobyerno para sa SBFP na ipinatupad simula Agosto 2020.

Paliwanag ni Pascua, sarado ang mga paaralan dahil sa pandemya noong mga panahong ipinapatupad ang feeding program. Kaya naman, ang mga magulang na lamang ang pumunta sa paaralan sa itinakdang araw at oras.

Sa ibang mga lugar, ang mga school personnel ang naghahatid ng mga pagkain at gatas sa bahay ng mga benepisyaryo. Nakipag-ugnayan din umano sila sa mga barangay officials at non-government organization upang mas mapadali ang pamamahagi ng pagkain at gatas.

Sinabi pa ni Pascua na naglaan na ang pamahalaan ng Php 6 bilyon para sa pagpapatupad ng feeding program sa susunod na school year.

Layon ng SBFP na maibsan ang gutom ng mga mag-aaral at mapalakas ang kanilang resistensya.