National News
300 dayuhan stranded sa NAIA dahil sa travel ban sa China, Hong Kong at Macau
Apektado ang 300 dayuhan sa ipinatupad na travel ban sa mga biyaherong mula sa China, Hong Kong at Macau.
Ayon kay Bureau of Immigration Port Operations Division Chief Grifton Medina, dumating ang mga dayuhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Linggo ng gabi mula sa Hong Kong at Macau matapos maipalabas ang utos tungkol sa travel ban.
Stranded sa paliparan ngayon ang mga dayuhan habang naghihintay ng masasakyang flight pabalik kung saan sila nagmula.
Problema ngayon ng Bureau of Immigration ang kawalan na ng mga byahe ng Philippine Airlines at Cebu Pacific patungong Macau, Hong Kong at China.
Sinabi ni Medina na tinutugunan na ng consul general ng China kung paanong makakabalik ang mga stranded na pasahero na hahanapan ng ibang airlines na maaring makapagsakay sa kanila.
Dumating sa NAIA Terminal 3 ang flight ng Air Asia kagabi galing Macau pero agad itong bumalik sa Macau at hindi na pinababa ang mga pasahero.
Via: Trainee Ronalyn Panlilio