National News
$400 MILYONG LOAN PARA SA PAGBILI NG COVID-19 VACCINE NG PILIPINAS, APRUBADO NA NG ADB
Inaprubahan na ng Asian Development Bank (ADB) ang hinihiram na $400 milyon (P24 bilyon) ng Pilipinas. Ito ay nakalaang ipambibili ng mga bakuna laban sa COVID-19.
Ayon sa pahayag ng ADB, ang ayuda ay bahagi umano ng Asia Pacific Vaccine Access Facility (APVAX).
Dagdag pa sa pahayag, ang vaccination program ng Pilipinas ay popondohan ng karagdagang $300 milyon (P14 bilyon) mula sa Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB).
Ang pinagsamang hiniram na pondo mula sa ADB at AIIB ay ipambibili ng aabot sa 110 milyong dose ng COVID-19 vaccines para sa halos 50 milyong Pilipino.
“ADB’s support will boost the Philippine government’s urgent efforts to secure and deploy COVID-19 vaccines for all Filipinos, especially those who are vulnerable, such as frontline workers, the elderly, and poor and marginalized populations, as well as those at increased risk of severe illness,” ani ADB President Masatsugu Asakawa.
Dagdag pa ni Asakawa, nais nilang matulungan ang bansa na mailigtas ang buhay ng mga Pilipino at nang makabalik na sila sa normal na pamumuhay sa lalong madaling panahon.
Ang bakuna ay napakahalaga umano sa pagpapabilis ng pagrekober ng ekonomiya at sa muling pagsasaayos ng mga kabuhayan ng mga Pilipino.
Ang APVAX project ay tutulong din sa Department of Health na masigurong ang pagde-deliver ng nga bakuna na sertipikado ng COVID-19 Vaccines Global Access Facility (COVAX) at bilateral vaccine suppliers ay alinsunod sa pamantayan ng APVAX eligibility.
Ang APVAX program ay ang $9 bilyong vaccine initiative ng ADB.