National News
42 mga opisyal ng barangay nahaharap ngayon sa kasong kriminal dahil sa mga anomalya sa SAP, halos 80% ang itinaas – DILG
Ang bilang ng mga opisyal ng barangay na nahaharap sa mga kaso sa Prosecutor’s Office ng Department of Justice dahil sa mga sinasabing anomalya sa pamamahagi ng Social Amelioration Program financial aid ay lumundag sa halos 80 porsyento sa loob lamang ng tatlong (3) araw, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na mayroon nang 42 barangay officials na nahaharap sa mga kasong kriminal para sa SAP pay-out irregularities noong Mayo 20, 2020, isang malaking pag-angat mula sa 23 mga opisyal na naunang sinampahan ng mga kasong kriminal noong Mayo 17, 2020. Ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang nagsampa ng mga kasong kriminal ayon sa utos ni Año.
“Seryosohan po ito. Nalalapit na ang paghuhukom para sa mga tiwaling opisyales ng mga barangay. Hindi po titigil ang ating kapulisan hanggat hindi mapapanagot sa batas ang mga kagaya nila,” aniya.
Sinabi ng DILG Chief na ang “splitting” ay kabilang sa mga nangungunang reklamo laban sa mga opisyal ng barangay na naiulat na hinati ang SAP cash aid ng isang pamilya para umano mapakinabangan ng ibang pamilya.
“Malinaw ang batas at ang polisiya ng DSWD na ang SAP cash aid ay para lamang sa pamilya ng nakalistang SAP beneficiary. Sapat lamang iyon para sa kanila at mahigpit na pinagbabawal ang paghahati-hati nito,” aniya.
Si Barangay Kapitan Gary Remoquillo sa San Pedro City, Laguna ay nasa mainit na sitwasyon matapos umano niyang hatiin ang SAP cash incentives para sa mga nasasakupan niya, isang kasanayan na ginagawa diumano ng mga kalapit na home owners associations (HOAs) sa kanilang lugar.
Ang isang katulad na insidente ay naiulat din sa Brgy. Batang, Irosin, Sorsogon kung saan si Punong Barangay Omar G. Guban, Junel G. Guban at Barangay Health Worker (BHW) Girlie Prejas ay naiulat na pinabalik umano ang P2,000 mula sa P5,000 cash assistance ng isang SAP beneficiary upang maibigay umano sa mga hindi kasama sa listahan.
Sa Manito, Albay, pinagkaitan diumano ni Brgy Councilor Ma. Dely Ala ang mga nagrereklamo sa kanya ng kalahati ng halaga sa kanilang natanggap na SAP cash assistance para mapakinabanggan ng mga hindi napasama sa master list ng mga benipisyaryo. Ang mga opisyal ng Barangay sa Brgy. Nati, Maasin, So. Leyte; Brgy. Jordan, Villaba, Leyte; Barangay Luzong, Manabo, Abra; Brgy, Mariblo, San Francisco Del Monte, Quezon City; Brgy. Ang Old Balara, Quezon City ay nasasangkot din sa kaparehong sitwasyon dahil sa umano’y “splitting” ng SAP cash assistance.
Bukod sa ‘splitting’ ang pagkakaltas mula sa tulong pinansyal ng SAP ng mga benepisyaryo ay isa ring pangunahing reklamo laban sa ilang mga opisyal ng barangay.
“Sa panahon ng krisis, naisipan pa ng mga barangay officials na ito na kumuha ng commission o tara mula sa SAP beneficiaries. Matinding katiwalian ito. Hindi natin ito palalampasin,” ani Año.
Ang apatnapu’t-isang-taong-gulang na si Marcialo Mendoza Y Amul, isang barangay Ex-O sa Olongapo City ay kasalukuyang nakakulong dahil sa umanoy paghingi niya ng P3,000 mula sa isang SAP beneficiary, para umano ibigay sa mga opisyal ng barangay. Samantala, sina Kapitan Ramon S Jardin, Brgy. Sina Secretary Stephen Jalandon, Purok President Corazon Latoza, at Liason Officer Rose Jean Estador ng Brgy. Feliza, Bacolod City diumano’y kumuha ng P4,000 mula sa P6,000 pinansiyal na tulong na natanggap ng mga benepisyaryo ng SAP.
Si Punong Barangay Rey Cabian at mga opisyal ng Quimloong, Bucay, Abra ay nahaharap din sa mga kasong kriminal dahil sa umano’y pagsasabwatan sa iligal na pagkolekta ng kanilang “bahagi” ng cash assistance mula sa mga benepisyaryo ng SAP.
Ang suspek na si Ivor John Laug-laug Casinas ng Bansalan, Davao del Sur ay naaresto naman sa isinagawang entrapment operation matapos na mahuli sa akto na tumanggap ng P1,000 na minarkahang pera mula sa isang beneficiary ng SAP. Ang suspek ay sinasabing humihingi ng pera sa mga kwalipikadong tatanggap ng SAP.
Sinasabing Nepotismo
Samantala, sinabi ni DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan E. Malaya na ang nepotismo ay hindi pinahihintulutan sa pamamahagi ng SAP financial aid, gaya ng nangyari sa Barangay 11 Zone 2 District 1, Tondo, Manila City. Si Punong Barangay Leonardo “Leo” Recto y De Jesus ay nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal dahil mag-isa niya umanong kinilala ang mga magiging benepisyaryo na sinasabing kanyang malalapit na kaibigan at kamag-anak at ipinagkait umano ang nasabing tulong pinansiyal sa mga kwalipikadong residente ng barangay.
Ang kalihim at ingat-yaman sa Barangay Tallungan, Aparri, Cagayan ay nahaharap din sa kaso dahil umano sa pagsasama nila sa kanilang sarili sa mga magiging SAP beneficiaries, kahit na hindi sila kuwalipikado sa SAP dahil sila ay mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
“Sa pagbibigay ng ayuda, dapat hindi basehan ang pagiging kamag-anak, kapamilya or kaibigan. Ang SAP ay para sa mga tunay na nangangailangan, hindi sa mga katropa,” aniya.
Sinabi ni Malaya na ang PNP-CIDG ay nakapagproseso na ng mga reklamo, mula sa kabuuang 374 na nagrereklamo laban sa mga 155 na suspek mula Abril 1 hanggang Mayo 19, 2020. Ang karamihan sa mga suspek ay mga barangay chairperson at kanilang mga kasama. Marami ring reklamo ang natanggap laban sa mga konsehal ng barangay, kalihim ng barangay o tagapangasiwa, municipal councilor, Barangay Health Workers (BHW), Purok Leaders / Home Owners Association (HOA) Presidents, Liaison Officer, DSWD Social Worker, SK Chairman, at Day Care Teacher.
Mga kasong paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at RA 11469 o ang Bayanihan to Heal As One Act ay isinampa na ng PNP-CIDG laban sa mga nasabing opisyal ng barangay.
Kamakailan lamang ay inilipat ni Año ang pagsisiyasat ng graft and corrupt practices laban sa mga Barangay Officials mula sa mga lokal na tanggapan ng DILG patungo sa PNP-CIDG upang mapabilis ang pagsisiyasat at pagsampa ng mga kasong kriminal. Sa kabilang banda, ang mga opisyal ng barangay na nahaharap sa mga kasong administratibo ay mabibigyan ng show cause orders mula sa DILG at siyang sisiyasatin ng lokal na tanggapan ng DILG para masampahan ng kaso ng Office of the Ombudsman.