Connect with us

National News

70 seasonal worker, ide-deploy sa South Korea – DMW

Published

on

Aabot 70 seasonal worker ang nakatakdang i-deploy sa South Korean farms mula sa 3 local government units (LGUs) sa Pampanga ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

“So, sa ngayon nagkaroon tayo ng, una, ito iyong binabanggit po ni sir na 39 initial group from three LGUs in Pampanga na nakaalis about two days ago, umaga sila umalis papunta na sa mga Korean farms at may napipintong mga pitumpu na susunod at tuluy-tuloy na po ito,” batay kay DMW officer in charge Undersecretary Hans Cacdac.

Kasalukuyang sinusuri naman ang mga kontrata ng mga seasonal workers at pinoproseso ang kanilang membership sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para maprotektahan sila sa pang-aabuso.

Binigyang din ng DMW ang mga LGU ng responsibilidad sila na magsagawa ng oryentasyon upang ipaalam sa mga manggagawa ang kanilang mga karapatan at responsibilidad sa mga trabahong papasukan.

Inaasahang mahigpit ding susubaybayan ng mga LGU ang sitwasyon ng kanilang constituent workers.

Idinagdag ni Cacdac na gusto nila ng standardized protection ng mga Filipino seasonal worker dahil itinutulak nila ang pormal na “government to government agreement” (G2G) sa labor standards sa South Korea at sa mga labor ministries nito.

“But, ang gusto nating mangyari, standardized iyong protection at halimbawa iyong nangyaring… ‘pag may namatay sa kinasamaang-palad, sana wala nang mamatay ‘no… at may masaktan, mayroong karampatang aksiyon – pupuntahan sa lugar ng farm at bibigyan ng lunas iyong pagpapagamot at agarang pag-uwi ng OFW sa tamang panahon,” pahayag ni Cacdac.

“Kasi ang nangyari doon sa anim na namatay, nagturuan pa kung sino iyong mag-uuwi kasi nga hindi dumaan sa DMW iyong nakaraan eh,” dagdag pa nito.

Samantala, nasa 3,400 na mga seasonal workers sa South Korea ang hindi dumaan sa DMW. Kasalukuyang nangangalap ngayon ang ahensya ng kanilang mga pangalan at sinusubaybayan ang kanilang sitwasyon.