National News
748 private schools tigil-operasyon ngayong academic year: DepEd
Mahigit 700 private schools ang tigil-operasyon ngayong academic year, ayon sa Department of Education.
Batay sa datos ng DepEd mula Miyerkules, Setyembre 9, 748 sa 14,435 pribadong paaralan na nagbukas noong nakaraang academic year ang nagsuspinde ng operasyon para sa A. Y. 2020-2021.
Dahil dito, apektado ang 3,233 na mga guro at 40,345 mga estudyante.
Karamihan sa mga nagtigil ng operasyon ay nasa:
Central Luzon – 141
Calabarzon – 121
Metro Manila – 96
Western Visayas – 90
Bicol Region – 46
Ayon naman kay Jesus Mateo, undersecretary for Planning, Human Resource and Organizational Development, and Field Operations, posibleng pansamantala lang ang nangyayaring pagsasara.
“Kung maganda-ganda na next year, magbubukas na po sila,” wika ni Mateo.
Una nang inihayag ni Education Secretary Leonor Briones na ang rason ng mga private schools kung bakit nagdesisyon sila ng pagsasara ay dahil sa kakaunting enrollees.
Nanawagan naman ang private schools sa gobyerno na sana ay mabigyan sila ng tulong katulad ng tax relief sa gitna ng krisis.
Kung maisasabatas ang Bayanihan 2, ang mga teaching at non-teaching staff sa pribado at pampublikong paaralan na nawalan ng trabaho dahil sa quarantine ay mabibigyan ng one-time cash assistance.