Connect with us

National News

ALEGASYONG OVERPRICED COVID 19 GEAR, PAIIMBESTIGAHAN NG PALASYO

Published

on

Gustong paimbestigahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang diumano’y overpriced medical equipments at test kits na binili ng gobyerno para sa COVID 19 pandemic.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nababahala ang presidente sa report hinggil sa presyo ng mga equipment na binili ng Department of Health kumpara sa presyo mula sa private sector.

“Bibigyan ko po ng kumpirmasyon na nababahala ang Presidente lalung-lalo na doon sa pagkakaiba ng presyo ng testing kit”, pahayag ni Roque.

Nitong nakaraang linggo, nauna ng kinuwestyon ni Sen. Panfilo Lacson ang DOH sa naging desisyon nitong pagbili ng COVID 19 testing machines at swabbing kits na mahigit doble ang presyo sa kapareho rin namang equipment na binili ng mga private companies.

Sa isinagawang Senate Committee of the Whole hearing, ibinulgar ng senador na may isang pribadong kumpanya na bumili ng nucleic acid extractors na kailangan sa pag proseso ng coronavirus tests sa halagang P1.75 million bawat isa, subalit bumili din umano ang DOH ng kaparehong machine sa halagang P4 million bawat isa.

“Bakit mas mahal ang bili ng government kesa sa bili ng private sector?” tanong ng senador.

Ayon pa sa senador ang swabbing system na nabili ng private sector ay nasa $16 kada isa, subalit ang nabili ng DOH ay doble sa presyo kung saan pinayagan ng Pangulo.

“Hindi po nga niya (Duterte) maintindihan gaya ng buong sambayanan kung bakit ganoon kalaki ang discrepancy.,” ayon kay Roque.

Samantala, nitong linggo din ibinulgar ni Sen. Franklin Drilon ang umano’y overpriced din sa COVID 19 testing packages ng PhilHealth na nasa P8,150 per bundle.

Sa ngayon, nag o-offer ng 3 packages para sa coronavirus testing ang PhilHealth mula P2,710-P8,150, depende kung paano at magkano ito nabili ng mga accredited testing laboratories.

Paliwanag naman ni PhilHealth Pres. Ricardo Morales na ang nasabing presyo ay ibinase sa data na nakolekta noong nag-uumpisa pa lamang ang pandemic pero magiging mura na rin umano ang presyo ng mga darating na test kits.

Ipinahayag ni Roque na tututukan umano ng Office of the Special Assistant to the Presidente ang nasabing isyu.