Connect with us

National News

AllCard Inc. nangako ng pagresolba sa national ID backlog sa loob ng isang taon

Published

on

national id sample

Sinabi ng AllCard Inc. (ACI), ang kontratista para sa pag-imprenta ng Philippine Identification System (PhilSys) o National ID cards, na kaya nitong makumpleto ang kanilang proyekto sa takdang oras, kahit na natuklasan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagkaantala sa pag-deliver nito sa kontrata.

Ayon kay Roy Ebora, presidente ng ACI, kaya nilang abutin ang backlog ng National ID sa loob ng susunod na 12 buwan sakaling bawiin ng BSP ang desisyon nitong i-terminate ang kontrata.

“AllCard was on track to meet its production goals until the discovery of some perceived defects, which we immediately brought to the attention of the BSP,” ayon kay Ebora.

Dagdag pa niya, “We have the infrastructure, experience, and determination to fulfill our obligations and help the BSP and PSA provide these essential IDs to the Filipino people by 2025.”

Noong Agosto 15, 2024, pinutol ng BSP ang kontrata nila sa ACI dahil sa kabiguang makapag-deliver ng mga produkto at makapag-perform ng iba pang obligasyon sa ilalim ng kontrata.

Dalawang kontrata ang na-award sa ACI para sa National ID program—isa para sa produksyon ng blank cards na tinerminate ng BSP, at isa pa para sa pag-imprenta ng mga cards. Sinabi ng central bank na nabigo ang ACI na makapag-deliver ng sapat na raw materials sa takdang panahon kahit na pinalawig pa ang deadline nito, at hindi rin nito napamahalaan nang maayos ang production machinery dahil sa kakulangan ng spare parts.

Naghain naman ng apela ang ACI laban sa pagtanggal ng kontrata at humiling ng komprehensibong review sa kanilang performance, na posibleng bunga umano ito ng “maling impormasyon o ulat.” Ipinahayag ni Ebora noong Linggo na hindi sila responsable sa mga data errors katulad ng mali ang spelling ng pangalan, kalidad ng imahe, at hindi pantay na format ng mga cards.

“We do not have any control on the data, our equipment only prints what is given to us,” ani Ebora. Dagdag pa niya, “Our contract clearly outlines our obligation — to lease the equipment and the supply of materials and consumables.”

Samantala, sinabi ni BSP governor Eli Remolona Jr. na ang kontrata ay kasalukuyang nasa arbitration process kasama ang ACI, at kailangan nilang sundin ang confidentiality ng arbitration kaya hindi nila maihahayag ang impormasyon hinggil dito.

Image: Philippine Identification System website

Continue Reading