National News
AYALA LAND, GAGAWING COVID-19 TESTING CENTER ANG BAHAGI NG RED CROSS OFFICE
Gagawing COVID-19 testing center ng Ayala Land Inc. (ALI) ang bahagi ng headquarters ng Philippine Red Cross (PRC) sa Mandaluyong City upang mabigyang-daan ang pagpuproseso ng aabot sa 3,000 tests kada araw at nang makapaglabas ng resulta sa loob lamang ng dalawang oras.
Ang mezzanine area ng PRC head office ay gagawing Class 2 facility bilang pagsasakatuparan sa layunin ng ALI na suportahan ang gobyerno sa pagpapatayo ng testing facilities . Ito ay upang maging mabilis ang pagtukoy kung sinu-sino ang mga may virus at nang agad silang ma-isolate ng mga health workers.
Sa pakikipagtulungan sa PRC, isang grupo ng volunteers na binuo ng Makati Development Corp. (MDC) ng ALI ang gumawa ng mga electromechanical at architectural na mga gawain para maging testing facility ang mezzanine.
Namigay rin ng personal protective equipment, regular na check-up, at serbisyong medikal ang kumpanya upang masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga volunteer habang ginagawa ang proyekto.
Ang PRC facility ay gagamit
ng dalawang reverse transcriptase polymerase chain reaction (RT-PCR) machine at
isang automated ribonucleic acid (RNA) extraction machine para maproseso ang
mga sample para sa COVID-19 testing.