National News
Bagyong Ferdie Papasok sa Biyernes, Magdadala ng Malalakas na Pag-ulan
Sa pinakabagong ulat ng PAGASA ngayong 11:00 AM, Setyembre 11, 2024, ang Tropical Storm BEBINCA ay kasalukuyang nasa 2,070 km silangan ng Eastern Visayas at inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes ng hapon o gabi. Kapag pumasok ito, tatawagin itong Bagyong Ferdie.
Epekto sa Panahon
Bagaman hindi direktang tatama sa kalupaan ng Pilipinas, mahalaga ang epekto nito sa panahon ng bansa. Magpapalakas ito sa Habagat, na magdadala ng malalakas na pag-ulan simula bukas sa mga rehiyon ng Bicol, MIMAROPA, Visayas, at ilang bahagi ng Mindanao. Dahil dito, inaasahang maglalabas ang PAGASA ng weather advisory upang magbigay-babala sa publiko at lokal na awtoridad.
Paalala sa mga Mangingisda
Dahil sa bagyo, asahan ang katamtaman hanggang sa maalon na kondisyon lalo na sa kanlurang baybayin ng Palawan, kabilang na ang Kalayaan Islands, pati na rin sa silangang bahagi ng Mindanao at timog Palawan. Ang mga mangingisda at may maliliit na sasakyang-dagat ay pinapayuhan na maging maingat at posibleng ipagpaliban muna ang pangingisda para sa kanilang kaligtasan.
Patuloy hinikayat ang publiko at mga tanggapan ng disaster risk reduction management na regular na mag-monitor ng mga update mula sa PAGASA tungkol kay Bagyong BEBINCA para masiguradong handa ang lahat sa mga posibleng epekto nito. Importanteng makinig sa payo ng mga kinauukulan upang maiwasan ang panganib na dulot ng bagyo.