National News
Batas na naglalayong protektahan ang mga Senior Citizens laban sa mga text scam at iba pang cybercrime, inihahain sa Senado
Naghain ng Senate Bill No. 671 or the “Senior Citizens’ Fraud Education Act” si Senator Jose “Jinggoy” Estrada upang maprotektahan umano ang mga senior citizens laban sa kumakalat na cybercrimes tulad ng text scams.
Sa inilabas na pahayag ni Estrada ngayong Linggo, sinabi niya na isinulong niya ang naturang panukalang batas sa gitna ng patuloy na pagdami ng “online crimes which increased at the height of the COVID-19 pandemic, targeting mostly retired elderly citizens.”
Layon ng panukala na bumuo ng isang sentralisadong inter-agency service na magpapaabot sa mga matatanda, kanilang pamilya, at tagapag-alaga, ng mga mahahalaga at regular na impormasyon kung paano masasawata ang mga modus ng mga manloloko.
“Walang manloloko kung walang magpapaloko. At walang mabibiktima kung sila ay may alam sa mga istilo ng mga scammers (There is no scammer if there is no one to scam. And no one will fall victim if they know the scammers’ schemes),” ani Estrada.
Giit pa niya, nararapat lang na pangalagaan laban sa mga scammers ang mga napapabilang sa vulnerable sectors lalo na’t karamihan sa mga senior citizens ay hindi masyadong sanay sa mga makabagong teknilohiya.
Nakasaad sa bill na ang Department of Trade and Industry (DTI) ang magsisilbing lead agency at magiging katuwang nito ang Department of Justice (DOJ), Department of Health (DOH), at Philippine Postal Corporation.
Makikipag-ugnayan din ang DTI sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Securities and Exchange Commission (SEC), Insurance Commission (IC), National Telecommunications Commission (NTC), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP) upang makapangalap ng datos tungkol sa iba’t ibang mga scams and cybercrimes.