National News
“Bayag,” hanap ni Sen Go sa susunod na PNP Chief
Iginiit ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na dapat ay “may bayag” o may totoong bagsik sa paglaban sa droga at kriminalidad ang susunod na hepe ng Philippine National Police.
Ayon pa sa senador, tinitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang susunod na mauupo na PNP chief ay makakapagpatuloy ng reporma sa organisasyon.
“Pinagpipilian pa ng Pangulo at siyempre, (pinagpipilian niya) kung sino po ang makakapagdala at makakapagpatuloy ng reporma ng PNP,” ayon kay Sen. Go.
“Prerogative po yan ng Pangulo. Kailangan may trust at confidence niya. Para sa akin kung sino ang makakapagtuloy ng laban sa droga at kriminalidad, siya ang dapat sumunod na maging PNP chief. Basta matapang at merong will to fight illegal drugs. At saka dapat ang priority niya ay magserbisyo sa tao at wala nang iba,” ani Go.
Binigyang-diin din ng senador na mananagot sa batas ang mga “ninja cops” na sangkot sa recycling ng nakukumpiskang illegal drugs at umaabuso sa kanilang tungkulin.
Ani Go, hinihintay pa sa ngayon ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Department of Justice (DOJ) sa “ninja cops”.
“Papangalanan po ng Pangulo ang dalawang colonel na sinasabing ninja cops. Hintayin po natin ang resulta ng imbestigasyon ng DILG at DOJ. Managot (ang) dapat managot,” aniya.
Internal cleansing
Ipinunto rin ni Go dapat ay tuloy-tuloy rin ang “internal cleansing” sa hanay ng PNP para mapalakas ang kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian sa organisasyon.
“Yung kanilang internal cleansing ay dapat tuloy-tuloy po ito. Sabi nga ng Pangulo, dapat ihiwalay ‘yung mga bulok para hindi naman po madamay ‘yung iba. Sayang naman po ‘yung mga inumpisahang internal cleansing ng PNP,” anang senador.
Nanawagan pa siya sa mga kapulisan na huwag sayangin ang magandang imahe ng PNP.
“Para sa akin ang ganda na ng takbo ng kapulisan natin. Naibalik na ang tiwala at respeto ng mga tao. Huwag po sanang sayangin,” panawagan ng senador.
Sinabi pa ni Go ang papel ng mga kaapulisan sa laban ng gobyerno laban sa droga.
“Medyo crucial ang next chief PNP. Ayaw naming ma-demoralize ang mga pulis. Tuluy tuloy ang internal cleansing at ang respeto ng mga tao ay naibalik na sa kanila. Suportado namin sila. Mahihirapan po tayo sa kampanya natin laban sa iligal na droga at kriminalidad kung wala sila,” ani Go.