National News
BFAR 6 naghahanap ng scholars para sa parating na school year
NAGHAHANAP ng mga scholars ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR 6) sa ilalim ng fisheries scholarship program ng ahensya ngayong taon.
Base sa naturang programa, libre ang matrikula ng mga estudyante, magkakaroon rin ng monthly allowance, book allowance, OJT support, Thesis support at iba pang tulong pinansyal.
Ayon kay Ms. Riza Chua, Regional Fisheries Scholarship Program Coordinator ng BFAR 6, sa Oktubre 30 ang deadline sa pagsumite ng application sa mga nais mag-apply.
Bukas ang scholarship program sa lahat na nakapagtapos sa senior high school ngunit hindi nakapag-aral sa kolehiyo nakaraang taon.
Bukas din ito sa mga graduating senior high school student.
Kwalipikadong mag-apply ang mga anak ng mga mangingisda na naka-rehistro sa Fisherfolk Registry System sa kanilang munisipyo. Kabilang din ang mga potential honor students na hindi anak ng mangingisda at mga miyembro ng Indigenous People Community o IPs.
Pahayag ni Chua pipiliin ang mga scholars sa pamamagitan ng competitive examination sa Disyembre 5 ngayong taon.
Bago isagawa ang exam, kailangang magsumite ang applicants ng application form at mga required documents bago ang Oktubre 30.
Maaaring i-download ang application form sa website ng BFAR na region6.bfar.da.gov.ph.
Puwede ring bisitahin ang opisina ng ahensya.
Para sa karagdagang impormasyon maaaring tumawag sa 336-3266 o 0998-991-8830.