National News
Canceled flights sa NAIA dulot ng Taal Volcano eruption, pumalo na sa 242
Pumalo na sa 242 ang bilang ng mga kanseladong flights bunsod ng tigil-operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dulot ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Sa inilabas na abiso ng Manila International Airport Authority (MIAA), kabilang sa mga kinanselang biyahe ng Philippine Airlines (PAL) ay mula sa Estados Unidos partikular sa San Francisco, Los Angeles, at New York, gayundin sa Singapore, Malaysia, Hong Kong at Japan pabalik ng Maynila.
Apektado rin ang international flights ng Malaysia Airlines, China Airlines, China Eastern Airlines, Air China, Eva Air, China Southern Airlines, Oman Air, Cathay Pacific, All Nippon Airways at Delta Airlines.
Samantala, tulad ng PAL ay kanselado ang international at domestic flights ng Cebu Pacific at Air Asia.
Para sa kumpletong flight cancellations, maaaring bisitahin ang Facebook page at website ng Radyo Pilipinas.
Ngayong umaga ay inaasahang maglalabas ng joint assessment ang MIAA at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para ianunsyo kung palalawigin ang tigil-operasyon sa paliparan o papayagan na muling makalipad at makalapag ang mga eroplano.
Una nang ipinaliwanag ng MIAA na dahil sa ashfall ay maaaring maapektuhan ang engine ng mga eroplano at hindi rin made-detect sa plane radar ang ash clouds mula sa bulkan. – radyopilipinas.ph