National News
Comelec may mga bagong inobasyon para sa kaaya-ayang pagboto ng mga Pilipino
INIHAYAG ni Comelec Chairman George Garcia na ginagawa ng komisyon ang lahat ng inobasyon para maging kaaya-aya ang pagboto ng mga Pilipino.
Ito ang binigyan-diin ni Garcia sa kanyang pagbisita sa lalawigan ng Aklan kasabay ng isinagawang Voters Education and Registration Fair sa NVC Gymnassium ngayong Martes.
Aniya pa, kung may isang bagay man na pantay-pantay ang bawat isa sa bansang ito, mahirap man o mayaman, ito ay ang karapatang bumoto.
Dahil dito, hinikayat ni Garcia ang lahat na magparehistro at samantalahin ang mga aktibidad ng Comelec sa pagpaparehistro.
Sinabi pa ng opisyal na sa darating na halalan, maraming pagbabago at inobasyon ang kanilang gagawin.
Una na rin ay ang pabobotohin ng mas maaga ang mga matatanda, may kapansanan, buntis at iba pang vulberable person upang hindi na sila sumabay sa maraming mga botante.
Pangalawa, isasagawa na ayon kay Garcia sa susunod na election ang mall voting upang ang lahat ng nakatira malapit sa naturang mall ay hindi na kailangang pumunta sa mga paaralan upang bumoto.
Ibinida din nito na sa kauna-unahang pagkakataon, maaari nang makaboto ang mga Pilipinong nagta-trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng tinatawag na internet voting.
Kasama rin sa inobasyon ng komisyon ang paglalagay ng litrato ng mga botante sa bawat presinto upang hindi na mahirapan sa paghahanap ng pangalan.
Bago na rin aniya ang gagamiting makina sa pagboto sa darating na halalan kung saan makikita ng bawat isa kung paano binibilang ang balota at malalaman din ng mga kandidato kung tama ang pagbilang ng bawat boto nila.
Sa muli pinaalala ni Garcia sa publiko na ang bawat isang boto na mayroon ang isang Pilipino ay boto para sa ating kinabukasan.