National News
Dagdag-benepisyo sa solo parents, aprub na sa kongreso
Aprubado na sa ways and means at appropriations committees ng Kamara ang panukalang dagdag-benepisyo para sa single parents.
Ayon kasi sa mga mambabatas, kapos at mababa ang benepisyong natatanggap sa ilalim ng kasalukuyang RA 8972 o Solo Parents’ Welfare Act.
Isa sa mga nagsulong ng panukala si Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas, saad niya umaasa silang ito na ang tutugon sa mga pasaning problema ng mga single parents sa bansa.
“Sa tagal ng gustong pagbabago o amyenda ng mga solo parents natin, ngayon lang nati-take up ito and we are very hopeful,” lahad ni Brosas.
Kabilang sa mga ipinapanukalang bagong benepisyo ang 10% discount at exemption sa value-added tax ng mga pangangailangan ng bata gaya ng damit, gatas, vitamins, diapers, gamot, bakuna, school supplies, at medical, dental, at laboratory fees.
Inatasan din ang ilang ahensya ng gobyerno na gawing prayoridad ang mga single parents at anak nila sa livelihood at education programs.
May kaakibat na multa ang mabibigong magbigay ng benepisyo sa mga single parents.