Connect with us

National News

Dalawang Batch ng mga seafarers pinauwi sa ilalim ng programang “Balik-Probinsya”

Published

on

Dalawang batch ng mga seafarers sa ilalim ng programang ‘Balik-Probinsya’ ang ipinadala sa kani-kanilang mga lalawigan nitong Lunes (Abril 27).

Inilunsad ang send off sa tulong ng Malasakit Help Desk (MHD) kabilang ang Department of Transportation, MARINA, PCG, PPA, OWWA, BOQ, concerned LGUs at seafarers’ local manning agencies.

Ang unang batch na binubuo ng 305 seafarers sakay ang 2GO ST. MICHAEL THE ARCHANGEL ay patungong Bohol, Cebu, Dumaguete, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Negros Oriental, Ozamiz, Zamboanga City at Zamboanga del Sur.

Samantala ang ikalawang batch naman na nasa 2GO ST. LEO THE GREAT ay may lulan na 279 seafarers patungong Aklan, Antique, Bacolod, Bukidnon, Cagayan De Oro, Camiguin, Capiz, Guimaras, Iloilo, Misamis Oriental and Negros Occidental.

Batay sa impormasyon, marami pang mga batch ng mga marino ang nakatakdang maglalayag sa linggong ito dahil mas marami pa umanong mga ruta ang bubuksan, na suportado naman ng mga LGU.

Gayunpaman mahigpit pa rin na pinapatupad ang social distancing at may limitasyon din sa mga bilang ng pasahero.

Layon ng naturang programa na tulungan ang mga repatriated at mga distressed seafarers na maka balik sa kanilang bayan at muling makasama ang kanilang mga pamilya.

Mula noong ika-22 ng Pebrero, nang iulat ng DFA ang unang pangkat ng mga repatriated OFWs, sa ngayon mayroon ng mahigit sa 23,000 na mga seafarers ang napauwi dahil sa COVID-19 pandemic.

Karamihan sa kanila ay nagmula sa mga cruises at passenger vessels.

Kaugnay naman sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine nitong 13 ng Marso, karamihan sa mga repatriates ay natipon sa iba’t ibang mga hotel at accommodation facilities sa Manila.

Ayon sa Department of Health (DOH), 226 sa 305 na mga seafarers ng unang batch ang sumailalim sa mandatory retesting sa pamamagitan ng RT-PCR.