National News
DAPAT MAGSUOT PA RIN NG FACE MASK KAHIT SA LOOB NG BAHAY — DOH
Sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na magsuot ng face mask kahit nasa loob ng bahay para mapigilan ang hawaan ng nasabing sakit.
“Lalo na po sa mga bahay na merong matatanda, merong mga kasama sa bahay na meron ding sakit katulad ng hypertension or diabetes, napakahalaga na nagfe-face mask tayo,” pahayag ni DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea de Guzman.
“Sila po naiiwan sa bahay, tayo po lumalabas. So tayo ‘yung posibleng magdala ng mga infection na ito sa loob ng bahay at napakabilis po talaga mag-transmit within our homes,” paliwanag ng doktor.
Giit pa ni de Guzman, kailangang maramdaman ng lahat na napakahalaga ang minimum public health standards.
Magugunitang sinabi din ni National Task Force Against COVID-19 (NTF) consultant Dr. Ted Herbosa na nagbigay ng abiso ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko na magsuot ng face mask kahit sa loob ng bahay.
“So ang advise nga ng DILG kahapon ay mag-mask na rin kahit nasa loob ng bahay para maprotektahan natin ‘yung mga may edad,” lahad ni Herbosa sa isang panayam.