National News
DBM, muling pinag-iingat ang publiko vs fixers, manloloko
Muling nanawagan ang Department of Budget and Management (DBM) sa publiko na mag-ingat laban sa pagsasamantala ng mga indibidwal na nagpapanggap na mga kawani nito at nangangako ng mabilis at siguradong transaksyon kapalit ng porsyento ng halagang inilalakad sa ahensya.
Naninindigan ang DBM sa integridad at katapatan ng mga proseso at transaksyon nito na maingat na sumusunod sa umiiral na mga batas, alituntunin at regulasyon, lalung-lalo na sa pagpapalabas ng pondo ng taumbayan.
Tinukoy ng DBM na ang pagsusumite ng mga request para sa Local Government Support Fund–Financial Assistance (LGSF-FA) to Local Government Units (LGUs) ay sa pamamagitan lamang ng Digital Requests Submission for Local Government Support Fund (DRSL) na makikita sa DBM Apps Portal at ang lahat ng dokumentong isusumite sa ibang paraan ay awtomatikong hindi tatanggapin.
Ang DBM ay makikipagtransaksyon lamang sa mga local chief executive ng bawat local na pamahalaan sa layong maiwasan ang maling representasyon ng mga scammer, middlemen, fraudulent individuals, o organized groups.
Binigyang-diin ng DBM na hindi nito kinukunsinti at hindi kailanman magbibigay ng awtorisasyon sa kahit sinong indibidwal o grupo para humingi ng pera, goods o pabor kapalit ng pinabibilis na mga transaksyon, dahil malinaw itong paglabag sa batas at may katapat na parusa.
Hinihikayat ng DBM ang publiko na maging maingat at mapanuri sa pagtanggap ng mga alok na tulong upang hindi maging biktima ng panloloko at sakaling may impormasyon hinggil sa katulad na ilegal na aktibidad ay agad isumbong sa ahensya sa numerong (02) 865-7-3300.
Kaugnay nito, hinihimok ng DBM ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) na palakasin pa ang paglulunsad ng operasyon laban sa mga fixer at manloloko upang masawata ang kanilang mga ilegal na gawain.