Connect with us

National News

Dela Rosa, itinanggi na may alam siya sa reward system at ‘Davao drug war template’

Published

on

PHOTO: Senate of the Philippines

Itinanggi ni dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at kasalukuyang senador Ronald “Bato” dela Rosa na may alam siya tungkol sa reward system sa mga pulis sa umano’y “Davao drug war template.”

Ito ay matapos ang pahayag ni retired colonel Royina Garma na lumabas sa isang pagdinig ng House of Representatives.

Sa kanyang pahayag na ipinadala sa mga mamamahayag, sinabi ni Dela Rosa na wala siyang ideya sa mga alegasyon ni Garma na ang pamahalaang Duterte ay gumamit ng isang “Davao template” para sa paglaban sa iligal na droga.

Ayon kay Garma, ang mga pulis na kasangkot sa pagpatay sa mga suspek ng droga ay binibigyan ng kompensasyon sa bawat suspek na napatay, pati na rin sa mga plano at gastos ng operasyon.

Nang tanungin kung iniutos ba ni Duterte sa kanya ang pagpapatupad ng sistema ng gantimpala nang siya ay hepe ng PNP, itinanggi ni Dela Rosa na may ganitong direktiba.

Binanggit ni Garma sa pagdinig na nakipag-ugnayan sa kanya si Duterte kaugnay sa pagbuo ng task force kung saan maaaring gamitin ang “Davao template.” Ayon pa kay Garma, ang mga gantimpala para sa mga pulis ay naglalaro mula P20,000 hanggang P1 milyon.

“My amount po, Mr. Chair, from what I understand is starting from P20,000 to P1,000,000.  But I’m not familiar sa mga bracketing, Mr. Chair,” dagdag ni Garma.

Inimbitahan si Garma at si National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo sa pagdinig dahil umano sa kaugnayan ng mga ito sa extrajudicial killings.

Continue Reading