National News
DepEd ‘hindi pa handa’: Bong Go nais ilipat ang pagbubukas ng klase sa Oktubre
Hinimok ni Senator “Bong” Go ang Department of Education na ilipat ang pagbubukas ng klase sa Oktubre, imbes na sa Agosto 24.
Giit niya, kung ililipat ito sa Oktubre magkakaroon pa ng oras para makapaghanda ang mga guro, estudyante, at magulang.
“Kung hindi pa handa, huwag nating pilitin. Magiging kawawa ang mga estudyante, kawawa ang mga teachers,” saad ng senador.
Aniya, hirap na ang mga Pilipino kaya’t dapat huwag nang dagdagan pa ng pressure ang mga bata at mga magulang nito.
Nauna nang ipinasa ng Kongreso ang panukalang nagpapahintulot sa DepEd na ilipat ang pagbubukas ng mga klase nang lampas sa buwan ng Agosto, ngunit pinili ni Education Sec. Leonor Briones na ipagpatuloy ang pagbubukas ng Agosto 24.
Sa paraan ng ‘learning at home’ sa pamamagitan ng online, tv, radyo, o printed materials upang maiwasan ang posibleng exposure sa COVID-19.
“Kung tayo nga dito sa Senado ay nahihirapan sa transition to online, paano pa kaya sila?” dagdag pa ni Go.
Paliwanag pa niya, kailangan pang tapusin ng DepEd ang pag-print ng mga self-learning modules para sa mga mag-aaral, habang ang mga guro at mag-aaral naman ay kailangan din ng mas maraming oras upang ma-pamilyar ang shift sa distance learning.
“Ang internet hindi rin reliable, tapos ‘yung offline modes of learning naman pinaghahandaan pa rin…Ayaw nating maipasa ang burden sa estudyante at ma-pressure sila dahil sa makabagong paraan ng pag-aaral kung hindi pa naman po handa ang lahat,” wika nito.