National News
DepEd, muling susuriin ang Sistema ng Pagbibigay ng Parangal sa mga Estudyante


Ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ay may planong muling suriin at rebisahin ang kasalukuyang sistema ng pagbibigay ng pagkilala at parangal sa mga mag-aaral sa buong bansa. Ito ay alinsunod sa isasagawang pagbabago sa kurikulum ng K to 12 para sa paparating na School Year 2024-2025.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas, kasama sa mga plano ng rebisyon ang pagsusuri sa mga patakaran ukol sa classroom assessment. Kasabay nito ang muling pagsusuri sa sistema ng pagbibigay ng parangal at pagkilala sa mga mag-aaral.
Paliwanag ni Assistant Secretary Bringas, mahalaga na ang assessment sa classroom ay kaakibat ng kurikulum. Kung kaya’t, kapag nagbago ang kurikulum, kinakailangang muling suriin ang assessment batay sa mga kakayahan o competencies ng mga mag-aaral.
Binanggit din na ang dating sistema ng pagbibigay parangal na may Valedictorian at Salutatorian o Top 10 students ay tinigil na ng DepEd noong 2016. Ito ay ginawa upang maiwasan ang kumpetisyon ng mga mag-aaral at mas bigyang-pansin ang kanilang mga personal na tagumpay.
Sa kasalukuyang sistema, ang mga estudyante ay binibigyang-pagkilala base sa kanilang performance sa klase. Ang mga ito ay With Honors, With High Honors at With Highest Honors.
Ito ang nagiging hakbang ng DepEd sa patuloy na pagpapaunlad ng sistema ng edukasyon sa bansa at sa pagpapahalaga sa mga pagsusumikap at tagumpay ng bawat mag-aaral.