National News
DepEd sa mga guro: ‘Wag tambakan ng gawain ang mga estudyante
“Kung ano lang ang kaya ng bata, ‘yun lang muna,” ito ang paalala ng Department of Education (DepEd) sa mga guro ngayong “blended learning” ang paraan ng pag-aaral dahil sa pandemya.
Pahayag pa ng DepEd dapat tanstahin lang at huwag tambakan ng gawain ang mga estudyante.
Ayon kay DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio, nauunawaan niya ang sitwasyon ng mga estudyante ngayong panahon ng pandemya.
Aniya, nakita niya ang ganitong usapin sa pagsubaybay sa Bicol Region.
“Hindi naman ito panahon na dapat super higpit tayo sa mga kung ano-anong ginagawa natin,” wika ng opisyal.
“Nauunawaan po natin ‘yan [sobrang aralin]. Magre-remind po tayo officially na kailangan yatang mag-synchronize. Meron na po kaming suggestion sa kapag homework na hindi sabay-sabay na mayroon,” pahayag pa ni San Antonio.
“Tantsahin lang,” dagdag pa nito.
Dapat umanong bigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante at maglaan ng makatwirang deadline.
Nagsimula ang klase sa pampublikong paaralan nitong nakaraang Oktubre 5.
Pinapatupad ngayon ang “blended learning” na kabilang sa sistema ng pag-aaral ay ang self-learning modules, paggamit ng TV, radyo at internet.