National News
Desisyon ng korte sa Maguindanao massacre, tiniyak ng PNP na maitataguyod
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na maitataguyod ang anumang maging hatol ng korte sa mga prime suspects sa Maguindanao Massacre.
Ang katiyakan ay binigay ni PNP Spokesperson P/Brig. Gen. Bernard Banac bago ang inaantabayanang promulgasyon ng desisyon sa kaso ngayong umagang ito.
Kasabay nito nanawagan si Banac sa publiko na manatiling kalmado pero alerto sa gitna ng pinaigting na seguridad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, Taguig kung saan gagawin ang paghahatol.
Tiniyak din ni Banac na pangunahing concern ng PNP ang kaligtasan ni Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu at lahat ng mga pamilya ng mga biktima sa karumaldumal na krimen.
Wala naman aniyang natanggap na “validated threat” ang PNP laban sa mga ito, pero handa ang Police Security Protection Group na pagkalooban sila ng karagdagang proteksyon nang naaayon sa “existing rules and regulations”.
Una na ring inihayag ng PNP na puspusan ang paghahanap ng PNP sa 80 pang suspeks sa Maguindanao Massacre na kasalukuyang “at large”. – Leo Sarne / radyopilipinas.ph