National News
DILG, PINAGPAPALIWANAG ANG LGU OFFICIALS DAHIL NAGPABAKUNA KAHIT HINDI KASAMA SA PRIORITY
Nagpalabas ng show-cause order ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa 13 lokal na ehekutibo na nagpaturok ng COVID-19 vaccine kahit na hindi kasama sa priority list, ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III.
“Meron na po tayong 11 mayors, isang governor, isang konsehal” pahayag ni Densing sa isang panayam.
Hindi pinangalanan ni Densing kung sino-sino ang mga pinadalhan ng show-cause order.
Matatandaan na noong nakaraang lingo ay may pinagpaliwanag ang DILG na limang alkalde na naunang nagpabakuna sa mga prioritized sector.
Sa lima, si Legazpi City, Albay Mayor Noel Rosal lamang umano ang tumugon sa order ng DILG.
“So nagbigay na po ako ng direktiba sa aking regional office na gumawa ng verification sa kanyang paliwanag,” ani Densing kaugnay ng paliwanag ni Rosal.
Dagdag pa ni Densing, iniimbestigahan na ng DILG ang mga ulat na may iba pang mga LGU officials na nagpabakuna na.
“Pwede ko sabihin na in counting kasi meron pa kaming nare-receive ngayon na mga reports and pictures na nagpabakuna na opisyales. Ine-evaluate lang namin kasi may kasamang mga kapitan,” ayon kay Densing.