National News
DOF: Instant Noodles, Hindi kasama sa iminungkahing Buwis sa maalat na pagkain
Sa kabila ng panukala ng Department of Finance (DOF) na magpatupad ng tax sa mga maalat na pagkain, tiniyak ni DOF Secretary Benjamin Diokno na hindi kasama ang instant noodles sa tax na ito.
“Kung iniisip niyo yung instant noodles na sobrang alat, hindi ito kasama. Talagang para ito sa mga mahihirap,” ani Diokno.
Noong nakaraang linggo, inanunsyo ni Diokno na nagkasundo ang DOF at Department of Health (DOH) na mag-impose ng buwis sa junk food at matatamis na inumin bilang hakbang laban sa diabetes, obesity, at iba pang sakit na kaugnay ng poor diet.
Sa ilalim ng panukalang tax program, balak ng DOF na magpatupad ng PHP10 kada 100 grams o PHP10 kada 100 milliliters tax sa mga pre-packaged foods na kulang sa nutritional value. Kasama rito ang mga kendi, snacks, desserts, at frozen confectioneries na sumusobra sa itinakdang sukat ng DOH para sa fat, salt, at sugar content.
Ayon kay Diokno, ang panukala ay parehong health at revenue measure.
“Isa itong hakbang para sa kalusugan na may malaking epekto sa mahabang panahon. Patuloy kami sa aming pakikipag-ugnayan sa National Nutrition Council at DOH,” ani Diokno.
Inihayag ni Diokno na ang planong magbuwis sa junk foods at itaas ang tax sa matatamis na inumin ay makakatulong na palawakin ang tax base at makakalikom ng mas maraming buwis.”