National News
DOH at FDA, Tututukan ang Online Proliferation ng Pekeng Celebrity Endorsements ng Mga Gamot at Food Supplements
Sa isang press briefing kahapon sa Malacañang, kinumpirma ni Health Secretary Teodoro Herbosa na bibigyan niya ng direktiba ang Food and Drug Administration (FDA) upang tutukan ang isyu ng pekeng mga pag-eendorso ng mga sikat na tao sa mga hindi rehistradong gamot at food supplements online.
“Nakita ko ito sa social media. Maraming sikat na mga doktor ang naging biktima ng isang gamot na hindi nila ineendorso. Kasama ito sa kapangyarihan ng FDA na imbestigahan, bilang isang ahensiyang may police powers,” sabi ni Herbosa.
Nagmula ang isyung ito sa panawagan ni Sen. Jinggoy Estrada para sa isang imbestigasyon ng Senado sa mga pekeng pag-eendorso ng mga produkto sa kalusugan na sinasabing nagpapagaling ng mga sakit tulad ng diabetes, hypertension at body pain.
“I-uutos ko sa pinuno ng FDA, na si Sam Zacate, na makipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI) upang malaman ang tunay na puno’t dulo ng isyung ito,” dagdag ni Herbosa.
May mga doktor na may malaking impluwensya sa social media, tulad nina Willie Ong at Anthony Leachon, na nagsumite na ng mga kaso sa cybercrime division ng NBI, subalit patuloy ang pekeng mga advertisements.
Pinayuhan ni Herbosa ang mga consumers na siguraduhing aprubado ng FDA ang mga gamot na binibili nila. “Ang ‘FDA approved’ ay makikita sa bote o sa kahon, at iyon ang mga legal na produkto. Ang mga smuggled na produkto mula sa ibang bansa ay itinuturing na contraband, at may kapangyarihan ang FDA na kunin o ipasara ang mga tindahan o mga shop na nagbebenta ng mga ito, kahit na online,” aniya.