National News
DOH, NAGBABALA SA MGA SAKIT NA DALA NG TAG-ULAN SA GITNA NG BANTA NG COVID 19
Nagbabala ang Department of Health kontra sa bagong wave ng mga sakit na tatama pagdating ng tag-ulan sa gitna ng COVID 19 pandemic.
Ayon kay DOH Dir. Eric Tayag posibleng dumami ang waterborne diseases. Ayaw ng departamento na magpatong-patong ang outbreak ng COVID 19 at ang outbreak ng cholera, diarrhea, leptospirosis, influenza at dengue.
Base sa data ng DOH, may 430,000 na kaso ng dengue noong nakaraang taon, 138,000 ang kaso ng influenza habang 479 naman katao ang tinamaan ng leptospirosis.
Dagdag pa ni Tayag na kung dumami ang influenza mahirapan silang tukuyin kung trangkaso o COVID 19 ang sakit ng isang tao lalo na at karamihan sa mga sakit kapag tag ulan ay may kaparehong sintomas sa COVID 19.
“Pag dumami ang influenza natin, hindi natin malalaman kung ito ay trangkaso o COVID19 so, ‘yan ang mahirap na sitwasyon sa atin. Double whammy, mayroon na tayong COVID 19, mayroon na tayong flu”, ayon kay Tayag.
Nauna ng ipinahayag ni DOH Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na kapag makitaan ng sintomas ng COVID 19 ang pasyente makonsidera na silang carrier ng sakit.