National News
DOH, NAGHIHINTAY PA NG RESULTA NG VALIDATION STUDY UPANG MAPAYAGANG GAWIN ANG SALIVA COVID TEST SA IBANG LABORATORYO
Nagpahayag ang Department of Health na hinihintay na lamang nila ang resulta ng validation study ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) upang mapayagan na ang pagsasagawa ng saliva COVID-19 test sa ibang mga laboratory maliban sa Philippine Red Cross (PRC).
Nakatakdang umpisahan ng PRC ngayong araw ang paggamit ng mas mura at less invasive na COVID-19 test sa tatlo nitong mga laboratoryo sa Metro Manila. Mas mabilis rin daw ito at mas ligtas sapagkat hindi na kailangan ng direct contact sa pagitan ng health worker at sa pasyente upang makakuha ng saliva sample.
“Nabigyan natin ng clearance ang Philippine Red Cross, ang condition po ay gagamitin lang muna sa PRC laboratories across the country. ‘Yun pong paggamit ng ibang laboratories aantayin po natin ang RITM na matapos ang kanilang validation study so we can issue appropriate guidelines,” pahayag ng tagapagsalita ng DOH na si Maria Rosario Vergeire sa isang panayam.
Ang saliva COVID test any nagkakahalaga ng Php2,000 na maaari pang maging mura kung mas marami ang dami ng sample na susuriin.
Ayon sa PRC, kailangan lamang na magdeposito ng laway ang isang tao sa malinis na vial at matapos ang tatlong oras ay malalaman na ang resulta.