National News
DOH: PRESYO NG FACE SHIELD, DI DAPAT TATAAS SA P50
Hindi dapat tataas sa P50 ang presyo ng face shield batay sa Department of Health (DOH).
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may naisagawa na silang suggested retail price (SRP) para sa face shields at approval na lamang ni Secretary Francisco Duque III ang hinihintay bago ito i-transmit sa Department of Trade and Industry (DTI).
Itinanggi naman ni Vergeire na ipaalam ang SRP habang hindi pa ito naaprubahan ni Duque. Pero, aniya hindi dapat ito magtataas sa P50.
“Huwag kayong mag-alala [kasi] we made sure na hindi tataas ang presyo dahil based dun sa material na sinabi sa atin at mabibili ng ating mga kababayan nang hindi sila mahihirapan,” saad ni Vergeire.
Nitong Lunes, hiniling ng DTI sa DOH na magpataw ng SRP para sa face shields, kaugnay sa nakatakdang implementasyon sa mandatory na pagsuot ng face shields sa public transportation simula Agosto 15.
Ngunit bago pa man ang mandatory use, nagsitaasan naman ang mga presyo ng face shields.
Pinaliwanag ni Vergeire na ang inirekomenda nilang SRP ay base sa “small survey” na isinagawa ng DOH kasunod sa kanilang coordination sa mga eksperto.
“Nagpagawa kami ng small survey across the different markets of face shields dito sa ating bansa, pero bago namin ginawa ‘yan nakipag-usap kami sa ekperto kung ano bang klaseng material ang kailangan ng face sheild para maprotektahan ang ating mga consumers, ‘yung mga kababayan natin,” ani Vergeire.
Dagdag pa nya, nakatakdang aprubahan ni Secretary Duque ang SRP ngayong araw.