National News
DOJ, suportado ang PNP operations para sa Quiboloy Search
Pabor ang Department of Justice (DOJ) sa pagbabarikada at pagtatalaga ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ayon sa DOJ, naniniwala sila na sumusunod ang PNP sa “lawfulness of the service of the arrest warrants” laban kina KOJC founder Apollo Quiboloy at sa kanyang mga kasamahan.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOJ na legal ang mga isinasagawang police operations “by virtue of a legal order from a co-equal court”.
Dagdag pa rito, nag-file na request for transfer of venue ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
Malaya din umanong maglabas-pasok ang mga tao sa compound kaya hindi nakakahadlang ang mga barikada sa “flow of basic human needs” para sa mga KOJC members. Nagsisilbi lamang umanong “added security” ang barikada upang matulungan ang mga kapulisan na panatilihin ang kaligtasan ng mga mamamayan at upang mas mapadali ang pagpapatupad ng kanilang tungkulin.
Kamakailan lang ay naglabas ng Temporary Protection Order (TPO) ang Davao City RTC Branch 15 na nag-uutos sa PNP Region XI na “immediately cease and desist from any act or omission that threatens the life, liberty and security as well as the property of the petitioners.”
Sa desisyon na inilabas ni Judge Mario Duaves ng noong Agosto 27, pinapatanggal ang lahat ng mga barikada o anumang harang na pumipigil umano sa mga KOJC members sa pagpasok o paglabas ng compound at sa humahadlang sa kanila na tamasain ang kanilang academic, religious practices, at iba pang propriety/human rights.
Subalit ayon sa DOJ, ang sakop lamang ng writ of amparo ay ang “protection against deprivation of life, liberty, or property resulting from unlawful acts or omissions of public officials. Sa kaso ng paghahanap kay Quiboloy, ang mga hakbang umano ng PNP ay alinsunod sa batas at nakasanda sa isang valid warrant of arrest. Dahil dito, ang grounds sa pag-invoke ng writ of amparo ay hindi maaaring mag-apply dahil walang batas na nilalabag ang PNP.
Bagama’t kinikilala umano ng DOJ ang pretogatibo ng Korte, naniniwala ang departamento na ang TPO ay “moot and academic” sapagkat na-address na ang mga isyung inihain sa reklamo.