National News
DOLE, nagbibigay ng tulong sa mga apektado ng oil spill sa Bataan
Nabigyan ng emergency employment sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay Para sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD) ang nasa 1,357 indibidwal na naapektuhan ng oil spill sa lalawigan ng Bataan, ayon kay Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma.
Ibinahagi ito ng kalihim sa kaniyang pakikipagpulong hinggil sa MT Terra Nova Oil Spill Response Update sa tanggapan ng Civil Defense, Camp General Emilio Aguinaldo sa Quezon City.
Kasama rin sa nasabing pagpupulong sina Environment and Natural Resources Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga, National Defense Secretary at Chairperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council Chairperson Gilberto C. Teodoro, Jr., Transportation Secretary Jaime J. Bautista, at mga opisyal at kinatawan mula sa iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Matatandaang nitong nakaraang Hulyo lamang ay lumubog sa karagatan ng Limay, Bataan ang MT Terranova na naglalaman ng 1.4 Million na litro ng langis. Sa ngayon ay isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Bataan dahil sa epekto ng oil spill.