Connect with us

National News

DTI, isinusulong ang pagkakaroon ng batas na magre-regulate sa online transactions

Published

on

Isinusulong ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagkakaroon ng isang batas na magre-regulate sa online transactions para maprotektahan ang publiko mula sa mga peke o kwestyonableng produktong nabibili.

Sa gitna ito ng kaliwa’t kanang promos at online sale ngayong holiday season na lubos na tinatangkilik ng napakaraming Pinoy.

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, bumubuo sila ngayon ng e-commerce roadmap na lilikha ng hiwalay na departamentong tututok sa merchants at online stores na nagbebenta ng mga produkto at serbisyo.

Mas magiging malinaw aniya ang lahat ng isyu at polisiya sa pagitan ng physical store at online merchants kung magkakaroon ng partikular na batas.

Paliwanag ni Castelo, iba’t ibang reklamo ang kanilang natatanggap mula sa online consumers tulad ng pekeng produkto, pag-deliver ng mali o kaiba sa itsura ng nabiling produkto subalit nahihirapan silang i-trace ang online store.

Aminado ang opisyal na matagal na nilang binabalaan ang online stores lalo’t paglabag sa intellectual property law ang pagbebenta ng mga produktong kinopya sa orihinal pero kailangan ng isa pang batas para kontrolin ang mga ito.

Sa ilalim ng E-Commerce Act, maaaring patawan ng multa mula P5,000 hanggang dalawang milyong piso ang sinumang mahuhuling sangkot sa mapanlinlang at mapagsamantalang transaksyon sa consumers.

Article via| Radyo Pilipinas