National News
Duterte at ‘Bato’, Pinayuhan ni Remulla na Huwag munang lumabas ng bansa dahil sa ICC Probe


Manila, Philippines— Pinayuhan ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sina Sen. Ronald dela Rosa at dating Pangulong Rodrigo Duterte na umiwas muna sa paglalakbay patungo sa mga bansa na kung saan may impluwensya ang International Criminal Court (ICC).
Inihayag ito ni Remulla sa kanyang briefing patungkol sa mga hakbang na ginagawa ng executive branch para maprotektahan sina Dela Rosa, na nagsilbi bilang hepe ng Philippine National Police noong panunungkulan ni Duterte at dating Pangulong Duterte.
“Sila ay mga mamamayan ng Republika na nangangailangan din ng ating proteksyon. Kaya’t kailangan natin silang bigyan ng tamang payo,” paliwanag ni Remulla.
Tukoy ng kalihim ng katarungan na higit nilang pinapayuhan na huwag munang magbiyahe sa mga bansa sa Europa.
Samantala, iginiit ng gobyerno na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas mula nang umalis ito sa Rome Statute noong 2019. Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, bagamat hindi inabot ng karamihan sa appeals chamber ang isyu, dalawang hukom ang naniniwala na nawalan na ng hurisdiksyon ang international court.
Bilang tugon, sinabi ni Sen. Dela Rosa na wala siyang plano na magbiyahe sa mga bansang miyembro ng ICC at mananatili lamang siya sa Pilipinas. Aniya, “Wala akong pakialam kung ano man ang mangyari sa akin… dahil sa drug war. Walang problema sa akin, basta ginawa ko para sa bansa…Bahala na kayo humusga, kung gusto n’yo ako ibitay, gusto n’yo ako mabitay, then go ahead.”
Isasagawa ng Senate committee on justice and human rights, sa pangunguna ni Senator Francis Tolentino, ang hearing sa mga panukalang resolusyon na naglalayong ipagtanggol sina Dela Rosa at Duterte mula sa imbestigasyon ng ICC.