National News
Duterte, nag-alok ng P10M pabuya sa Pinoy na makakapag-imbento ng bakuna vs COVID-19
Magbibigay ng sampung milyong pabuya si Pangulong Rodrigo Duterte sa sinumang Pinoy na makakapag imbento ng gamot laban sa nakakamatay na COVID-19 ayon sa Malacañang nitong Martes.
“Unang una, dahil nga po public enemy po itong COVID-19 hindi lang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo, inanunsyo po ng Pangulo na siya ay magbibigay ng pabuya na hanggang P10 milyong piso sa kahit sinong Pilipino na makakadiskubre ng vaccine laban sa COVID-19,” ani Presidential spokesperson Harry Roque sa isang online press conference.
Makakatanggap rin ng “substantial grant” ang University of the Philippines (UP) at Philippine General Hospital (PGH) bilang tulong sa pagtuklas ng bakuna laban sa sakit ngunit hindi na nito binanggit ang halaga.
“Pinapanunsyo din po ng ating Presidente na siya ay magbibigay ng substantial grant sa UP at sa UP PGH para po makadevelop nga ng bakuna para dito sa COVID-19,” saad ni Roque.
Unang nanawagan ang PGH sa mga COVID patients na gumaling na magbigay ng blood plasma na gagamitin sa experimental treatments ng mga pasyente.
Nanawagan din ang pangulo sa mga survivors na mag-donate ng dugo na maaaring maging gamut.
Nasa 6, 459 na ang bilang ng nagpositibo sa COVID-19 sa bansa, 428 dito ang namatay at 613 naman ang gumaling.