National News
Eleksyon 2022, walang dahilan para ipagpaliban — Comelec
Walang dahilan para ipagpaliban ang darating na halalan sa 2022 kahit may pandemya ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez.
“Hindi natin nakikita ang need para magma-postpone ng elections,” giit ni Jimenez.
“Hindi namin gagawin iyan. Malinaw na malinaw ang mandato ng Comelec at iyan ay magpa-conduct ng election. At medyo ironic naman kung Comelec pa mismo ang magsabing huwag nating ituloy ang halalan,” dagdag pa nito.
Pahayag naman dating Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, imbis na ipagpaliban ang paparating na eleksyon sa 2022, mas mainam daw na paghandaan ng ahensya kung paano ito maitutuloy sa ligtas na paraan.
Nabatid na inirekomenda ng ilang mambabatas na ipagpaliban muna ang halalan dahil sa pandemya.
Paliwanag ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo, maaari umanong wala pang bakuna laban sa COVID-19 bago matapos ang taong 2021.