National News
Enrollment sa public schools magsisimula sa June 1 – Palasyo
Inanunsyo ng Palasyo na magpapatuloy pa rin ang enrollment sa June 1 sa mga pampublikong paaralan.
“Tuloy po yan dahil hindi naman po tayo pupuwede na walang preparasyon,” pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang Teleradyo interview nitong Miyerkules.
“Ang sigurado po, tuloy ang pag-aaral ng mga kabataan. Ang isyu na lang, ano ang sitwasyon pagdating ng Agosto 24: ito ba ay sapat na para tayo ay mag-face-to-face classes o blended,” dagdag pa ng kalihim.
Magugunitang, una nang inihayag ng Department of Education (DepEd) na ipapatupad ang enrollment sa mga pampublikong paaralan mula June 1 hanggang June 30.
Paliwanag ni Roque, ang pahayag umano ni Pangulong Duterte patungkol sa “no vaccine no classes” ay para lamang sa face-to-face classes.
Maaari pa rin naman daw ituloy ang klase gamit ang blended learning at online classes.
“Sa atin po, kailangan tuloy pa rin ang preparasyon pero gaya ng aking nasabi, ayan po, sumipa po ang numero ng COVID-19 (cases).
Madali naman po ‘yang ‘wag ituloy. Naghahanda po tayo sa possibility ng both face-to-face at saka blended learning,” ani Roque.