National News
eTravel information system para sa mga international travelers, ipapatupad na
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Administrative Order (AO) 24 na nag-a-atas sa lahat ng mga inbound at outbound international passengers at crew members na gamitin ang electronic travel (eTravel) information system upang masigurong maayos ang mga travel procedure sa bansa.
Nakasaad sa AO na ang e-travel system ay magsisilbing one-stop electronic travel declaration system para sa mga manlalakbay at mga crew members na darating at aalis ng bansa.
“It shall be used by the government to efficiently conduct border control, health surveillance, tourism statistics analysis, and other travel-related procedures,” ayon sa AO 24.
Bubuo ng isang technical working group (TWG) para sa eTravel system na inaatasang pag-aralan ang mga hakbang sa epektibong pagpapatupad ng sistema, kabilang na ang “usage, management, and operation, subject to existing laws, rules, and regulations.”
Pamununuan ng Department of Information and Communications Technology (DICT)ang TWG at ang Bureau of Immigration (BI) ang magiging co-chairman.
Magsisilbing miyembro naman ang Department of Tourism (DOT), Department of Migrant Workers (DMW), Department of Transportation (DOTr), Bureau of Quarantine (BOQ), and Bureau of Customs (BOC).
Lahat ng kaugnay na departamento, ahensya, bureau, tanggapan, at instrumentalities ng gobyerno ay inatasan na magbigay ng kanilang buong suporta at kooperasyon sa TWG upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng AO 24.
Ang mga kinakailangang pondo para sa implementasyon ng AO 24 ay kukunin mula sa kasalukuyang alokasyon ng DICT, BI, DOT, DMW, DOTr, BOQ, at BOC, batay sa naaayong batas, mga alituntunin, at regulasyon sa budgeting, accounting, at auditing.
Ang kabuuang pondo na kailangan para sa patuloy na implementasyon ng AO ay isasama sa mga panukala ng budget ng mga miyembro ng TWG, batay sa karaniwang proseso ng paghahanda ng budget.
Inilunsad ng DICT, BI, DOT, BOQ, at BOC ang isang pinagsamang digital data collection platform na kilalang eTravel system noong Disyembre 5, 2022 upang mapabilis ang iba’t ibang proseso ng travel declaration para sa mga internasyonal na papasok na pasahero.
Mas pinalawak ang saklaw nito noong Abril 15, 2023, kung saan isama ng mga ahensya na ito ang lahat ng mga international inbound and outbound passengers and crew members.
Magkakabisa ang AO 24 pagkatapos nitong mailathala sa Official Gazette o isang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon.